Friday, February 27, 2009

My Daily Prayer

MY DAILY PRAYER


Father God, grace and peace comes from you. O Lord fill me with the knowledge of your will through your spiritual wisdom and understanding,
so that I may live a life worthy of the Lord
and may please him in every way;
bearing fruit in every good work;
growing in the knowledge of God;
being strengthened with all power
according to your glorious might,
so that I may have great endurance
and patience and joyfully giving thanks to you
O my Father, who has qualified me to share in the inheritance of the saints
in the Kingdom of Light;
for you have rescued me from the dominion of darkness and
brought me into the Kingdom of the Son you love,
in whom we have redemption,
the forgiveness of sins.
(Col.1:9-14)

This I pray in the mighty name of your loving Son, Jesus Christ. Amen

My Praises To The Lord

MY DAILY PRAISES

I will proclaim the name of the Lord.
O, praise the greatness of our God!
He is the ROCK, His works are perfect, and all His ways are just.
A faithful God who does no wrong, upright and just is He. (Deut. 32:3-4)

The Lord is my strength and my song,
He has become my salvation.
He is my God and I will praise Him,
my father’s God and I will exalt Him.
The Lord is a warrior,
the Lord is His name…
Your right hand O Lord is majestic in power.

Who among the gods is like you, O Lord?
Who is like you –
majestic in holiness,
awesome in glory,
working wonders?
In your unfailing love you will lead the people you have redeemed.
In your strength you will guide them to your dwelling.
THE LORD WILL REIGN FOREVER.” (Exodus 15:1-18)

Sunday, February 22, 2009

Panawagan

PANAWAGAN
Tula Ni Carlos M. Castro
December 15, 2003

Sa mata ng Diyos lahat pantay-pantay
Maging kapus palad o maging mayaman
Bata o matanda, matalino’t mangmang
‘Di siya nagtatangi maging sino ka man.

Ang ating pagsilang sa mundong ibabaw
Ay di aksidente, at hindi biglaan
May plano sa atin ang Poong Maykapal
Nang lalangin Niya si Eba at Adan.

Kalarawan tayo ng Diyos na Lumikha
Di tulad ng hayop at ng mga isda
Tayo ay nilikha upang mamahala
Sa lahat ng bagay na Kanyang ginawa.

Di tayo nilikha upang maghirap lang
Ni upang magdusa habang nabubuhay
Ang nais ng Diyos tayo’y magtagumpay
Sa layunin N’ya para sa ‘ting buhay.

Sabi ng Lumikha sa pawis kukunin
Ating kailangan at mga pagkain
Kaya kung tamad ka’t laging nahihimbing
Ang kalaguyo mo’y hirap at hilahil.

Sipag at tiyaga lang tanging kailangan
Upang magsi-unlad ang bawa’t nilalang
Pagka’t katamaran ang tanging dahilan
Ng pagdarahop at mga kasawian.

Ang taong masipag sagana sa lahat
Nguni’t yaong tamad ay palaging salat
Laging nanghihingi at bukas ang palad
Sa limos at tulong ng mga masikap.

Kahit ika’y hirap makatutulong din
Sa katahimikan ng lipunan natin
Ang gawang masama ay iwasan narin
Huwag makipag-away at huwag maglalasing.

Ating pagandahin ang kapaligiran
Magtanim po tayo ng mga halaman
Atin ding linisin ang ating bakuran
Upang mga sakit ay maiiwasan.

Ang pamahalaan ay tulungan natin
Mga opisyales ay igagalang din
Pagka’t sila’y sugo ng Poon sa atin
Sa ikalulutas, ating suliranin

Magka-isa tayo mga kabayan ko.
Kapit bisig nating harapin ng todo,
Mga suliranin dito sa ‘ting mundo,
Upang tayong lahat ay mapapanuto.

Laging isa-isip ang ating pag-unlad.
Pilit na makamtan kahit na mahirap.
Huwag mong isantabi ang ating pangarap,
Na makamit natin buhay na maunlad.

Panawagan Sa Mga Magulang

Ang mga magulang ay dapat kumilos
Ang pamilya natin dapat isa-ayos
Turuan ang anak kahit ito’y musmos
Kagandahang asal at takot sa Diyos.

Magpakita tayo gandang halimbawa
Sa ‘ting mga anak nang tularan nila
Pagka’t kung ano ang laging nakikita
Tama man o mali ay gagawin nila.

Ang sinumang ama na gumon sa alak
Walang karapatang pigilin ang anak
Kahit na maghapon siyang magtatalak
Di siya papansinin, pagka’t hindi tapat.

Pagpilitan nating tayo ay mamuhay
Na punong-puno ng pag-ibig na tunay
Ang tatay at nanay dapat magtulungan
Upang mapaunlad yaring kabuhayan.

Punuhin po ninyo ng pagmamahalan
Ang iyong sambahayan sa lahat ng araw
Inyong mga anak ay huwang pabayaan
Upang bawa’t isa ay hindi maligaw.

Ang tanging paraan na nakikita ko
Ay ilapit sa Diyos mga anak ninyo
Sapakat kung sila’y susunod kay Cristo
Malalayo sila sa gulo at tukso.

Dapat pong isipin ng mga magulang
May tungkukin tayo sa Diyos at lipunan
Mga anak natin ay dapat gabayan
Nang di sila maging salot sa ‘ting bayan.

Panawagan Sa Mga Kabataan

Ang sabi ni Rizal, kayo ang pag-asa
Nitong Inang Bayan, na gipit at dukha
Sana’y huwag bayaan na pagmumulan ka
Mga kaguluhan at mga problema.

Mga magulang mo ay iyong igalang
Nang guminhawa ka habang nabubuhay
Buhay mo’y lalawig kung sila’y susundan
Pangako ‘to ng Diyos na maaasahan.

Dapat mong isipin di ka mabubuhay
Kung hindi dahil sa tatay mo at nanay
Bigay sila ng Diyos para maging gabay
Sa iyong pagtahak sa daan ng buhay.

Kung naghahanap ka ng makakaibigan
Una mong hanapin si Jesus na banal
Siya’y handang tumulong at handang magbigay
Nang lahat ng iyong mga kailangan.

Kung kasama Siya sa iyong mga lakad
Makatitiyak ka tuwid ang iyong landas
Di ka madadapa, di ka madudulas
Kapangyarihan Niya, saiyo magliligtas.

Sa mundong ibabaw ay maraming tukso
Kung di ka maingat ika’y masisilo
Kaya ang payo ko ika’y magpaturo
Magagandang asal sa mga “parents” mo.

Ang mga bayani ay inyong tularan
Marunong magmahal sa sariling bayan
Nakahanda silang magbuwis ng buhay
Makamit lang nila gintong kalayaan.

Marami sa atin ang mga alipin
Nang masamang bisyo at budhing maitim
Sila’y naglalakad nguni’t nakalibing
Ang ‘sang paa nila, impiyernong madilim.

Mga kabataan ang paki-usap ko
Mag-aral mabuti’t magpakatalino
Ang kinabukasan ay para sa inyo
Kaya dapat lamang tumulong din kayo.

Sama-sama ninyong paglabanan ito:
Ang bawal na gamot at masamang bisyo.
Sugal, alak, pati paninigarilyo,
Kamuhian ninyo’t isantabi ito

Pag di ka tumigil sa ganitong bisyo
Tatlo lamang anak patutunguhan mo
Kung di sa ospital, o kaya sa preso
Tiyak ang bagsak mo doon sa impiyerno.

Tandaan mo ito’t iyong pagbulayan,
Mahal ka ng Diyos na saiyo lumalang
Mahal ka rin tiyak ng iyong magulang
Lalo na’t kung sila ay iyong igagalang.

Habang nabubuhay, tayo’y may pag-asa,
Nguni’t kung susuko, ito’y mawawala,
Itaas ang noo, sabay tuminghala,
Humingi ng tulong sa ating Lumikha.

May nagsasabi pa, kung mayroon daw gabi
May araw din namang sa dilim hahawi
Pag’tapos ng bagyo, o mga buhawi
Pagsikat ng araw, takot mapapawi

Ang buhay ika nga, ay tulad ng gulong
Minsan ma-ibabaw, minsan nasa silong
Subali’t kung tayo ay hindi uurong
Tiyak ang tagumpay, tiyak ang pagsulong.

Sana’y makinig ka sa panawagan ko
Pagka’t lahat nito’y sa kabutihan mo
Pag di ka nakinig sa akin anak ko,
Kabiguhan, kahirapan ang yayakap saiyo.

Ang Hanap Kong Lider

ANG HANAP KONG LIDER
Tula Ni. Carlos M. Castro

Upang maging ganap ang ating pag-unlad
Kailangan natin ang lider na tapat
‘Yong may takot sa Diyos at may pusong wagas
Malinis ang buhay at iyong hindi “corrupt”.

Kailangan din natin may angking talino
Alam ang gagawin at may mga plano
May mga programa para sa progreso
Ng bayan kong Sasmuan at ng mga tao.

Ang hanap kung lider di makasarili
Mahinahon siya’t di nagkukunwari.
Siya ay masipag at di nagtatangi
Walang hinahangad kundi ang mabuti.

Ang hanap kong lider ay hindi palalo
Hindi arogante, hindi abusado
Di nagmamarunong, at di nanloloko
Ng kanyang kapuwa o sinumang tao.

Marunong magpigil sa kanyang sarili
Di niya magawa ang manirang puri
Di siya naghahanap ng mga papuri.
Pagpapakumbaba ang kanyang ugali.

Sa kanyang paglutas ng mga problema
Tamang pag-iisip ginagamit niya
Sa pakikitungo sa kanyang kapuwa.
Malambot na puso ang kanyang sandata.

Ang tunay na lider ay matatarok mo
Sa pagsasalita’t mga kilos nito.
Pag ‘toy nagmumura at nangi-insulto
Huwag po sana natin siyang iboboto.

Si Haring Solomon ang siyang nagsabi
Ang tunay na lider ay mapagkandili.
Hindi bindiktibo at di mapanuri
At kung mag-utos ay hindi parang hari.

Ang hanap kong lider ay handang magbata
Handang magpasakit at handang magdusa
Lahat ng paraan hahanapin niya
Mapaglingkuran lang mga maralita.

Katulad ni Cristo, siya’y mapagmahal
Lalo sa mahirap pati walang dangal
Ginagawa ito di upang ihalal
Kundi dahil sa Diyos sa kanya’y nagmahal.

Sinumang may nais na maging dakila
Dapat siyang maglingkod ng tapat at kusa
Di pinaglilingkurang parang hari’t reyna
Sa gawang mabuti laging nagunguna.

Tandaan po natin mga kawikaan
Lalo na’t tungkol sa mga Punong Bayan.
“Kung ang pinuno ay di makatarungan
Makatitiyak ka, siya ay gahaman.”

“Kapag ang matuwid ang namamahala
Ang lahat ng tao’y magiging masaya
Subali’t pag ito naman ay masama
Matamlay ang bayan, salat sa biyaya.”

Kaya kabayan ko huwag mong pabayaan
Na magkamali ka sa iyong batayan
Ingat sa pagpili ng lider ng bayan
Upang lumiwanag ang kinabukasan.

Sino Si Jesus?

SINO SI JESUS?
Carlos M. Castro

Siya ang Salita sa pasimula pa.
Kasama na ng Diyos sa Kanyang paglikha.
Sa lahat ng bagay Siya ang gumawa,
Sapagkat siya’y Diyos katulad ng Ama.

Siya ang Liwanag na nagbigay ilaw,
Sa mundong madilim tunay na mapanglaw.
Sa ating landasin Siya’ng tumatanglaw,
Nang di ka madapa at di ka maligaw.

Siya’y Anak ng Diyos, puspos ng pag-ibig,
Napakadakila, tunay kung umibig.
Lahat ng gawa Niya ay kaibig-ibig,
Lalo na sa taong sa Kanya nanalig.

Siya ang Mesias, ang Tagapagligtas,
Nanggaling Siya sa Diyos at taga itaas.
Bumaba sa lupa upang matalastas,
Ng lahat ng tao pag-ibig Niyang wagas.

Tagapamagitan si Jesus na sugo,
Para sa may sala at buhay na bigo.
Lahat ng panaghoy ng taong tuliro,
Kanyang dinudulog sa Dakilang Trono.

Siya ang Pagkaing Nagbibigay Buhay.
Nagmula sa langit, at Diyos ang may bigay.
Sa taong maysala Siya ay tinapay,
Nang di magugutom at di mamamatay.

Si Jesus ang Daan at Katotohanan,
Siya rin ang Buhay nitong sanlibutan.
Di ka maliligaw, di ka malilinlang,
Kung sa iyong lakad, Siya ang katuwang.

Siya ang Kordero ng Diyos ng pag-ibig,
Na ubod ng linis walang bahid dungis.
Di S’ya nagkasala, ni minsa’y lumihis,
Nguni’t Siya’ng nagdusa sa krus nagtiis.

Panginoong Jesus ay Mabuting Pastol.
Alaga ka Niya’t saiyo magtatanggol,
Sa anumang asong saiyo ay hahabol,
Kung susundin Siya ng walang pagtutol.

Tagapagligtas Siya ng makasalanan,
Nang lahat ng tao sa mundong ibabaw.
Sa Kanyang balikat kusang ipinataw,
Ang lahat ng sala ng sangkatauhan.

Aking Panginoon si Jesus na buhay,
Siya’y susundin ko at gagawing Gabay,
Sa buong buhay ko hanggang kamatayan,
Makasama Siya, magpakailan pa man.

Punong Saserdote ang Poong si Jesus,
Dakila sa lahat nang sa Diyos naglingkod,
Pati Kanyang dugo kusang ibinuhos,
Upang tayong lahat ay Kanyang matubos.

Panginoong Jesus ang Bukal Ng Tubig
Sa lahat ng uhaw na kusang lalapit.
Mga pusong tuyo at tigang na isip,
Kanyang binubuhay, Kanyang dinidilig.

Isang Manggagamot si Jesus na tunay,
Ng mga maysakit, bulag at nang pilay,
Maging mga bingi, pati mga patay,
Tulad ni Lazaro Kanyang binubuhay.

Si Jesus ang tunay na Puno ng Ubas.
Siya’ng nagbibigay sa taglay mong lakas.
Di ka mamumunga kung ika’y kakalas,
Ika’y matutuyo at magiging ningas.

Muling Pagkabuhay ang tawag sa Kanya
Kanya ‘tong sinabi harapan ni Marta,
“Kung mananalig ka ay mabubuhay ka
Kahit mamamatay ang katawang lupa.”

Siya ang Prinsipe ng Kapayapaan,
Dala’y kagalakan sa kinalulugdan.
Ang lahat ng anghel sa may kalangitan,
Ay nangagsiawit sa Kanyang pagsilang.

Panalangin:
Ang tanging nais ko, O Diyos na dakila,
Ang makilala ka, pati ang Diyos Ama.
Itong aking buhay ay walang halaga
Kung wala Ka sa’kin, at di ka kilala.

Ako’y maghihintay sa Iyong pagbabalik,
Nang may kagalakan ng puso at isip.
Aking hihintayin ng may pananabik,
“Bagong Jerusalem” na handog mo’t bitbit.

Panginoong Jesus, ikaw ang aking Diyos.
Yakapin mo ako’t angkinin nang lubos.
Walang nanaisin ang pusong hikaos,
Kundi Ikaw lamang, Ikaw lamang O Diyos!

(Tula ni Carlos M. Castro –October 5, 2005)
San Antonio, Sasmuan, Pampanga

“Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay Niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. ” Juan 3:16

Pag-Ibig Sa Kapuwa Tao

PAG-IBIG SA KAPUWA TAO
Carlos M. Castro
July 20, 2007

PART I

Bakit ba magulo ang buhay sa mundo?
Laging may alitan sa lahat ng dako.
Ang kapayapaan ay di natatamo
Kahit anong gawin ng mga pinuno.

Hindi nawawala ang mga hidwaan,
Ng mga pinuno sa maraming bayan.
Di nagkakasundo at nagsisiraan,
Ang pagkaka-isa’y mahirap makamtan.

Ang mga pamilya ay nangagkasira,
Laging nag-aaway mga mag-asawa.
Pati mga anak ay lumalaban na,
Ang magulang nila’y inaalipusta.

Saan man magtungo, iyong mapapansin,
Ang mga gawaing karima-rimarim.
Mga inggitero at mga masakim,
Para sa sarili ang tanging hangarin.

Sa huling araw daw ating makikita,
Ang buhay sa mundo ay batbat ng dusa.
Tao’y makamundo’t gahaman sa pera,
Lapastangan sa Diyos na kanyang Lumikha.

Marami sa tao ang makasarili,
Taksil at mayabang, mapang-api pati.
Wala silang habag, mapanirang puri,
Mapusok, marahas, sa mabuti’y muhi.

Hindi lamang iyan, sila ay palalo,
Mahilig sa layaw, walang kapuwa tao.
May mapagkunwari’t ayaw sa totoo.
Malayo sa Diyos, malapit sa diyablo.

Bakit nangyayari ang lahat ng ito?
Ano ang dahilan dapat malaman mo.
Walang ibang sagot sa tanong na ito,
Kundi ang pag-ibig ay wala sa mundo.

Ang sabi ni Jesus, ibigin mo ang Diyos,
Ng buong puso mo, pag-ibig na taos.
Buong kaluluwa, pag-ibig na lubos,
Buong pag-iisip, ito’y unang utos.

Pangalawang utos, dapat nating sundin,
Kap’wa tao natin ay dapat ibigin.
Maging sino man s’ya dapat na mahalin,
Tulad ng pagtingin sa sarili natin.

Upang maging banal ang pag-ibig natin,
Isang bagong utos binigay sa atin.
Mag-ibigan tayo, ito’y ating gawin,
Tulad ng pag-ibig ni Cristo sa atin.

PART II

Paano maging tunay ang ating pag-ibig,
Sa ating kapuwa na nasa paligid?
Mag-ibigan tayo, gawin itong hilig,
Ituring ang iba tunay na kapatid.

Tayo’y magtulungan sa lahat ng oras,
Laging makisama huwag magmamataas.
Ating pamamahay gawing laging bukas,
Lalo sa mahirap na hanap ay lunas.

Magkaisa tayo ng ating loobin,
Lahat ng mabuti ating tangkilikin.
Ang gawang masama ay ating daigin
Ng gawang mabuti sa kapuwa natin.

Huwag kang mangalunya, huwag kang magnanakaw,
Huwag kang mag-iimbot, huwag ka ring papatay.
Mga utos ng Diyos pag ating susundan.
Magdudulot tiyak ng kapayapaan.

Huwag nating hatulan ang ating kapuwa,
Sapagkat ang away dito nagmumula.
Ang isipin natin ating mga sala
Nang ating makita putik sa ‘ting mata.

Huwag tayong magtanim ng sama ng loob.
Sa ating kapuwa bagkos ipagkaloob
Ang pagpapatawad sa mga nagdulot
Nang pasakit sa ‘tin na kinalulungkot.

Huwag nating labanan ang masamang tao
Tayo’y magparaya kung kailangan ito
Walang pagpapala tayong matatamo
Kung tayo’y lalaban, lumikha ng gulo.

Ang paghihiganti’y huwag nating bayaan
Na magkakaroon kahit konting puwang
Paubaya natin sa Poong Maykapal,
Ang paghihiganti, pagka’t Siya’y banal.

“Ang iyong kaaway ay ibigin mo rin.”
Mabigat na utos ngunit dapat sundin.
Pag tayo’y inugsig, ating idalangin
Na huwag parusahan, kundi patawarin.

Kung tayo’y maglimos sa mga mahirap
Huwag ipagkaingay upang maging ganap.
Walang gantimpala tayong matatanggap
Kung ang paglilimos ay isisiwalat.

Pagdating ni Cristo kanyang titipunin
Ang lahat ng tao, pagbukud-bukurin
Katulad ng Pastul, paghihiwalayin
Kanyang mga tupa, hiwalay sa kambing.

Piling mga tupa’y sa kanan lalagay,
Pagpapalain Niya’t bibigyan ng buhay.
Mga kambing nama’y kaliwa lalagay,
Sila’y itataboy sa Kanyang kaharian.

Pagpapalain Niya Kanyang mga tupa,
Nagbigay ng damit sa hubad na dukha.
Mga nagugutom pinakain nila,
Nagmahal ng todo sa mga kapuwa.

Pinatuloy nila ang mga dayuhan,
Pinainom naman mga nauuhaw.
Ang mga bilanggo kanilang dinalaw.
Sa mga maysakit sila ay nagdasal.

Itong paghuhukom ay Kanyang gagawin,
Bilang isang Hari sa muling pagdating.
Pag-ibig sa kapuwa gagantimpalahin,
Korona ng buhay ating susuutin.

Kaya ang pag-ibig sa ating kapuwa
Ating isapuso’t ating isagawa
Ating makakamit hindi lamang tuwa
Kundi ang lahat ng Kanyang pagpapala.

PAPURI’T PANALANGIN SA DIYOS:

Pinupuri kita aking Panginoon,
Mabuti at banal ang lahat mong layon.
Pag-ibig mo’y wagas lahat ng panahon,
Sa kabutihin ko laging nakatuon.

O Diyos ng pag-ibig, igawad sa akin,
Ang iyong pag-ibig, agad iparating.
Basbasan mo ako nang aking mahalin,
Ang aking kapuwa ng buong pagiliw.

O Diyos ng pag-ibig, ang hiling ko saiyo,
Ang aba kung tula sana’y gamitin mo.
Sa pagpapahayag ng kabanalan mo,
Tanda ng pag-ibig sa kapuwa ko tao.

Ang Tunay Na Kalayaan

ANG TUNAY NA KALAYAAN
Carlos M. Castro
(Alay ko sa mga Bilanggo)


Sa dakong madilim, sa likod ng rehas,
Ay nangakaupo dating malalakas.
Bilanggo sa dusa, at gapos sa hirap
Kalayaang wagas pilit hinahanap.

Ang dahilan nito sila’y naghimagsik
Sinunod ang layaw naging mababagsik
Lumaban sa Diyos, mata’y nanlilisik
Binigyan ng laya angkin nilang galit.

Yaong pagpapayo ng Kataas-taasan
Ay hindi pinansin at pinabulaan
Kaya ngayon sila ay nahihirapan
Batbat ng pighati at ng kalungkutan.

Sila’y nagdurusa sa salang ginawa
Walang tumutulong at walang naawa
Dating kaibigan pati na pamilya
Lahat tumalikod, di na nag-alala.

Subali’t nang sila’y tumawag sa Diyos,
Sila’y pinakinggan tinanggal ang gapos.
Taling tanikala ay Kanyang nilagot,
Kalayaang hanap Kanyang pinagkalo’b.

Sila’y pinalaya sa pagkabilanggo,
Sa pagkakasala na dulot ng diyablo.
Masamang ugali at masamang bisyo,
Pinawi ng Diyos pati na siphayo.

Sila ay hinango sa gitna ng lungkot.
Binigyang pag-asa, gapos ay nilagot
Ang rehas na bakal Kanyang binaluktot
Malaking kandado ay Kanyang hinablot.

Ang mga bilanggo na dati ay hambog,
Ay nangagsi-awit, awit ng pag-irog.
Lahat ng papuri sa Diyos inihandog.
Sila’y nagsayawan sa saliw ng tugtog.

Pasalamat tayo sa pag-ibig ng Diyos
Walang pinipili pagka’t ito’y lubos
Pangako niya’y tapat, hindi pumapaltos
Lalo sa bilanggo at mga may gapos.

This poem is for the Prisoners or Inmates
In the Jails –Prison Ministry

July 12, 2007