Sunday, February 22, 2009

Ang Tunay Na Kalayaan

ANG TUNAY NA KALAYAAN
Carlos M. Castro
(Alay ko sa mga Bilanggo)


Sa dakong madilim, sa likod ng rehas,
Ay nangakaupo dating malalakas.
Bilanggo sa dusa, at gapos sa hirap
Kalayaang wagas pilit hinahanap.

Ang dahilan nito sila’y naghimagsik
Sinunod ang layaw naging mababagsik
Lumaban sa Diyos, mata’y nanlilisik
Binigyan ng laya angkin nilang galit.

Yaong pagpapayo ng Kataas-taasan
Ay hindi pinansin at pinabulaan
Kaya ngayon sila ay nahihirapan
Batbat ng pighati at ng kalungkutan.

Sila’y nagdurusa sa salang ginawa
Walang tumutulong at walang naawa
Dating kaibigan pati na pamilya
Lahat tumalikod, di na nag-alala.

Subali’t nang sila’y tumawag sa Diyos,
Sila’y pinakinggan tinanggal ang gapos.
Taling tanikala ay Kanyang nilagot,
Kalayaang hanap Kanyang pinagkalo’b.

Sila’y pinalaya sa pagkabilanggo,
Sa pagkakasala na dulot ng diyablo.
Masamang ugali at masamang bisyo,
Pinawi ng Diyos pati na siphayo.

Sila ay hinango sa gitna ng lungkot.
Binigyang pag-asa, gapos ay nilagot
Ang rehas na bakal Kanyang binaluktot
Malaking kandado ay Kanyang hinablot.

Ang mga bilanggo na dati ay hambog,
Ay nangagsi-awit, awit ng pag-irog.
Lahat ng papuri sa Diyos inihandog.
Sila’y nagsayawan sa saliw ng tugtog.

Pasalamat tayo sa pag-ibig ng Diyos
Walang pinipili pagka’t ito’y lubos
Pangako niya’y tapat, hindi pumapaltos
Lalo sa bilanggo at mga may gapos.

This poem is for the Prisoners or Inmates
In the Jails –Prison Ministry

July 12, 2007

No comments:

Post a Comment