Sunday, February 22, 2009

Pag-Ibig Sa Kapuwa Tao

PAG-IBIG SA KAPUWA TAO
Carlos M. Castro
July 20, 2007

PART I

Bakit ba magulo ang buhay sa mundo?
Laging may alitan sa lahat ng dako.
Ang kapayapaan ay di natatamo
Kahit anong gawin ng mga pinuno.

Hindi nawawala ang mga hidwaan,
Ng mga pinuno sa maraming bayan.
Di nagkakasundo at nagsisiraan,
Ang pagkaka-isa’y mahirap makamtan.

Ang mga pamilya ay nangagkasira,
Laging nag-aaway mga mag-asawa.
Pati mga anak ay lumalaban na,
Ang magulang nila’y inaalipusta.

Saan man magtungo, iyong mapapansin,
Ang mga gawaing karima-rimarim.
Mga inggitero at mga masakim,
Para sa sarili ang tanging hangarin.

Sa huling araw daw ating makikita,
Ang buhay sa mundo ay batbat ng dusa.
Tao’y makamundo’t gahaman sa pera,
Lapastangan sa Diyos na kanyang Lumikha.

Marami sa tao ang makasarili,
Taksil at mayabang, mapang-api pati.
Wala silang habag, mapanirang puri,
Mapusok, marahas, sa mabuti’y muhi.

Hindi lamang iyan, sila ay palalo,
Mahilig sa layaw, walang kapuwa tao.
May mapagkunwari’t ayaw sa totoo.
Malayo sa Diyos, malapit sa diyablo.

Bakit nangyayari ang lahat ng ito?
Ano ang dahilan dapat malaman mo.
Walang ibang sagot sa tanong na ito,
Kundi ang pag-ibig ay wala sa mundo.

Ang sabi ni Jesus, ibigin mo ang Diyos,
Ng buong puso mo, pag-ibig na taos.
Buong kaluluwa, pag-ibig na lubos,
Buong pag-iisip, ito’y unang utos.

Pangalawang utos, dapat nating sundin,
Kap’wa tao natin ay dapat ibigin.
Maging sino man s’ya dapat na mahalin,
Tulad ng pagtingin sa sarili natin.

Upang maging banal ang pag-ibig natin,
Isang bagong utos binigay sa atin.
Mag-ibigan tayo, ito’y ating gawin,
Tulad ng pag-ibig ni Cristo sa atin.

PART II

Paano maging tunay ang ating pag-ibig,
Sa ating kapuwa na nasa paligid?
Mag-ibigan tayo, gawin itong hilig,
Ituring ang iba tunay na kapatid.

Tayo’y magtulungan sa lahat ng oras,
Laging makisama huwag magmamataas.
Ating pamamahay gawing laging bukas,
Lalo sa mahirap na hanap ay lunas.

Magkaisa tayo ng ating loobin,
Lahat ng mabuti ating tangkilikin.
Ang gawang masama ay ating daigin
Ng gawang mabuti sa kapuwa natin.

Huwag kang mangalunya, huwag kang magnanakaw,
Huwag kang mag-iimbot, huwag ka ring papatay.
Mga utos ng Diyos pag ating susundan.
Magdudulot tiyak ng kapayapaan.

Huwag nating hatulan ang ating kapuwa,
Sapagkat ang away dito nagmumula.
Ang isipin natin ating mga sala
Nang ating makita putik sa ‘ting mata.

Huwag tayong magtanim ng sama ng loob.
Sa ating kapuwa bagkos ipagkaloob
Ang pagpapatawad sa mga nagdulot
Nang pasakit sa ‘tin na kinalulungkot.

Huwag nating labanan ang masamang tao
Tayo’y magparaya kung kailangan ito
Walang pagpapala tayong matatamo
Kung tayo’y lalaban, lumikha ng gulo.

Ang paghihiganti’y huwag nating bayaan
Na magkakaroon kahit konting puwang
Paubaya natin sa Poong Maykapal,
Ang paghihiganti, pagka’t Siya’y banal.

“Ang iyong kaaway ay ibigin mo rin.”
Mabigat na utos ngunit dapat sundin.
Pag tayo’y inugsig, ating idalangin
Na huwag parusahan, kundi patawarin.

Kung tayo’y maglimos sa mga mahirap
Huwag ipagkaingay upang maging ganap.
Walang gantimpala tayong matatanggap
Kung ang paglilimos ay isisiwalat.

Pagdating ni Cristo kanyang titipunin
Ang lahat ng tao, pagbukud-bukurin
Katulad ng Pastul, paghihiwalayin
Kanyang mga tupa, hiwalay sa kambing.

Piling mga tupa’y sa kanan lalagay,
Pagpapalain Niya’t bibigyan ng buhay.
Mga kambing nama’y kaliwa lalagay,
Sila’y itataboy sa Kanyang kaharian.

Pagpapalain Niya Kanyang mga tupa,
Nagbigay ng damit sa hubad na dukha.
Mga nagugutom pinakain nila,
Nagmahal ng todo sa mga kapuwa.

Pinatuloy nila ang mga dayuhan,
Pinainom naman mga nauuhaw.
Ang mga bilanggo kanilang dinalaw.
Sa mga maysakit sila ay nagdasal.

Itong paghuhukom ay Kanyang gagawin,
Bilang isang Hari sa muling pagdating.
Pag-ibig sa kapuwa gagantimpalahin,
Korona ng buhay ating susuutin.

Kaya ang pag-ibig sa ating kapuwa
Ating isapuso’t ating isagawa
Ating makakamit hindi lamang tuwa
Kundi ang lahat ng Kanyang pagpapala.

PAPURI’T PANALANGIN SA DIYOS:

Pinupuri kita aking Panginoon,
Mabuti at banal ang lahat mong layon.
Pag-ibig mo’y wagas lahat ng panahon,
Sa kabutihin ko laging nakatuon.

O Diyos ng pag-ibig, igawad sa akin,
Ang iyong pag-ibig, agad iparating.
Basbasan mo ako nang aking mahalin,
Ang aking kapuwa ng buong pagiliw.

O Diyos ng pag-ibig, ang hiling ko saiyo,
Ang aba kung tula sana’y gamitin mo.
Sa pagpapahayag ng kabanalan mo,
Tanda ng pag-ibig sa kapuwa ko tao.

No comments:

Post a Comment