Sunday, February 22, 2009

Ang Buhay Ng Tao

ANG BUHAY NG TAO
Carlos M. Castro - Oct. 20, 2005

Ang sabi ng Diyos, ikaw ay nilikha,
Ang sabi ng iba, galing ka sa wala.
Mula sa alabok, doon ka nagmula
Sa alikabok rin babalik ‘pagdaka.

Kalarawan ka Niya ng ika’y nilikha,
Upang mamahala sa hayop at isda
Ang lahat ng bagay na Kanyang ginawa
Ay binigay saiyo ng Diyos na dakila.

Subalit ng ika’y sumuway sa Kanya
Ika’y itinaboy sa Edeng maganda
Dahil sa sala mo ay nahiwalay ka
Sa pag-ibig ng Diyos, Kanyang pagpapala.

Iyong tinalikdan ang Lumalang saiyo
Kaya ang buhay mo’y puno ng siphayo
Ang iyong pagkain at kailangan mo
Habang nabubuhay, pagpapawisan mo.

Utos ng Maykapal ay iyong sinuway
Kaya naligaw ka’t nawalan ng buhay
Sa mata ng tao ika’y nabubuhay
Sa Kanyang paningin, ikaw nama’y patay.

Kaya ang buhay mo’y katulad ng damo
Para isang bulang dagling naglalaho
Tulad ng bulaklak nalalanta ito
Biglang lumilipas tulad ng anino.

Lahat ng gawa mo’y walang kabuluhan
Hindi nagdudulot ng kaginhawaan
Laging naghahanap ngunit di makamtan
Hanap na pag-ibig at kapayapaan.

Habang lumalago ang iyong kabuhayan
Lalo ka rin namang nagiging gahaman.
Habang lumalaki ang iyong kayamanan.
Lalong dumarami ang iyong kailangan.

Kahit ka mag-impok ng maraming pera,
Mga ginto’t hiyas, bahay na maganda;
Lahat ng titulo’t inipong diploma,
Sa hantungang hukay di mo madadala.

Walang kabuluhan! Walang kabuluhan!
Ang lahat ng bagay sa mundong ibabaw.
Ang bawa’t sandali sa buhay mong ligaw
Ay tulad nang hanging mabilis dumaan.

Hindi mo rin alam ang iyong hantungan
Ang kamatayan mo di alam kung kailan.
Hindi mo rin batid kung anong paraan
Ang angkin mong buhay ay mawawakasan.

Maging marunong ka’t dakila o mangmang
Ang abang buhay mo ay may kawakasan,
Ang may hawak nito ang saiyo lumalang
Kanya ring binigyan ito nang hangganan.

Wala kang magawa, di mo malampasan
Nilagay Niyang taning sa iyong kamunduan.
Dapat mong tanggapin, iyong paghandaan
Araw ng paglisan at pamamaalam.

Bakit ba ganito ang buhay ng tao?
Batbat ng pasakit, nakapanlulumo.
Hindi niya malaman saan patutungo
Pagkatapos nitong buhay niya sa mundo.

Magandang Balita dapat mong malaman,
Nang magkaroon ka ng kaginhawaan.
Ang buhay sa mundo ay may kabuluhan,
Kung ang layunin Niya’y iyong maranasan.

Ang buhay sa mundo’y pansamantala lang,
Nang makilala mo ang saiyo lumalang.
Ikaw ay nilikha upang ‘yong makamtan,
Pag-ibig Niya saiyo na walang hangganan.

Kung ang Diyos Ama ang sasambahin mo.
At ang Panginoon ang siyang susundin mo.
Magkakahalaga buhay mo sa mundo,
At matitiyak mo’ng patutunguhan mo.

Walang hanggang buhay naghihintay saiyo,
Kahit na mamamtay katawang lupa mo,
Kung mananalig ka sa Tagapagligtas mo,
Ika’y mabubuhay, ito ay pangako.

No comments:

Post a Comment