Sunday, February 22, 2009

May Layunin Ang Diyos Sa Buhay Mo

MAY LAYUNIN ANG DIYOS
SA BUHAY MO
Tula Ni: Carlos M. Castro

Ikaw ay dakila aming Panginoon
Di Ka nagbabago sa lahat mong layon
Pangako mo’y tapat, kahapon at ngayon
Maaasahan Ka, lahat ng panahon.

Kapangyarihan Mo ay walang katulad
At ang pag-ibig Mo ay hindi masukat,
Ang karunungan Mo’y magiging laganap
Bawa’t naisin Mo’y tiyak matutupad.

Nagmula sa Iyo ang lahat ng bagay.
Iyong lahat ito, likha ng Iyong kamay
Walang maitatago sa Iyong kaalaman
Kahit saang dako, Ikaw ay nandidiyan.

Ikaw ang lumikha ng langit at lupa,
Nang mga bituin, pati Andromeda
Ang buwan at araw ay Iyong ginawa
Sa pamamagitan, Anak Mong dakila.

Ang lahat ng aming mga kailangan,
Pinagkaloob Mong walang alinlangan
Pagka’t ang nais Mo ay kaginhawaan,
At buhay na puno ng kaligayahan.

Ang pagpapalakad sa lahat ng bagay
Tanging Ikaw lamang ang nakakaalam.
Ang buhay ng lahat ng Iyong nilalang
Ay hawak Mo, O Diyos, sa Iyong mga kamay.

Bakit nga ba ako nandito sa mundo?
May plano ba Kayo na dapat gawin ko?
Saan ang punta ko pagkatapos nito?
Nais kong malaman habang buhay ako.

Puro magaganda ang Iyong hangarin
Para sa buhay ko nang ako’y likhain.
Kaya tungkulin ko na ito’y alamin
Nang di Ka mabigo sa iyong hangarin.

Pinupuri kita O Diyos ng buhay ko,
Kahanga-hanga po bawa’t gawa Ninyo.
Magmula pa sa tiyan ng abang ina ko,
Hawak Ni’yo na ako at hinubog Ninyo.

Kayo ang pumili sa tatay ko’t nanay,
Pati na ang lugar ng aking pagsilang.
Ako ay natuwa ng aking malaman,
Kayo ang pumili pati aking kulay.

Bago pa man ako sinilang sa mundo
Batid Mo na lahat patutunguhan ko.
Araw ng pagsilang at kamatayan ko
Nakatalaga na ayon sa Iyong plano.

Hindi ko malirip at di ko matanto
Kung bakit ginawa Ninyo lahat ito.
Laking kagalakan ang pinadama Mo
Nang pinakita Mo ang dahilan nito.

“Ang Diyos ay Pag-ibig”, iyan ang dahilan
Kung bakit nilikha ang lahat ng bagay.
Nais ipadama ng Poong Maykapal
Mahal Niya tayo, magpakailanman.

Batid ko Diyos Ama di Niyo kailangan
Na likhain ako at bigyan ng buhay.
Subali’t sa laki ng Iyong pagmamamhal
Tinawag Niyo ako sa Iyong Kaharian.

Sabi ng Diyos:

“Batid Ko ang lahat ng mga plano Ko,
Ang lahat ng ito’y sa kabutihan mo.
Ang nais Ko lamang ay dulutan kayo,
Ng magandang bukas na kasama Ako.”

Salamat O Diyos sa Iyong pagpapala,
Sa Iyong pag-ibig, hangaring dakila.
Yakapin Niyo ako, at huwag bitiwan pa
At ng madama ko lubos na ligaya.

Huwag magatubili, O Diyos na dakila,
Sabihin sa akin ang lahat Mong nasa.
Buksan Mo ang isip, bigyan pang-unawa,
Ang pusong tumigas sa pagkakasala.

Sagot ng Diyos:

Kung iyan ang nais mo, pakinggan mo Ako
Sa lahat ng Aking ihahayag sa iyo
Isa-isahin Ko at ng malaman mo
Ang napakagandang hangarin Ko saiyo.

Di Ko kailangan ang lalangin Kita,
Nguni’t ginawa Ko dahil mahal Kita.
Ang Aking layunin at Aking adhika’y
Sa walang hanggang buhay, makasama Kita.

Hinirang na Kita bago pa ang mundo,
Upang maging banal sa mga mata Ko.
Mga pagpapala, pagkakaloob Ko
Kung tatanggapin mo si Cristong Anak Ko.

Sa pamamagitan ni Cristong sugo Ko,
Aampunin kita’t gagawing anak Ko.
Lahat ng kalinga ay ibibigay Ko
Nang di ka masilo sa bitag ng diyablo.

Sinugo Ko saiyo ang Anak Kong mahal,
Upang tubusin ka saiyong kasalanan.
Ikaw ay patay na nguni’t mabubuhay
Ang kapalit nito’y Kanyang kamatayan.

Upang maging ganap ang Aking pangako
Sinugo Ko saiyo, Espiritu Santo,
Matibay na tatak, paghirang Ko saiyo
Magbibigay lakas at buhay sa iyo.

Karunungan Niya’y matatalastas mo,
Kapangyarihan Niya ay mamamalas mo.
Pag-ibig Niyang wagas ay malalasap mo,
Sa lahat ng oras sa tanang buhay mo.

Binigyan din Kita, angking karunungan,
Pati kabatiran ay saiyo nilaan.
Sapagka’t nais Ko ‘yong maunawaan
Panukalang lihim isakatuparan.

Ang Aking layunin ay pag-isahin Ko
Ang langit at lupa, lahat ng nandito.
Ngayon at kailanman, tandaan mo ito,
Mapasa-ilalim ang lahat kay Cristo.

Ang hiling Ko lamang saiyo Aking anak,
Tanggapin si Jesus ng buong pagliyag.
Tanggapin mong Hari at Tagapagligtas,
At Siya’y sambahin magpahanggang wakas.

Ibigin mo Siya ng buong puso mo,
Nang buong lakas mo, iyan ang nais Ko
Buong pag-iisip at kaluluwa mo
Ialay sa Kanya, sa kabutihan mo.

Si Jesus ang daan at katotohanan,
Siya rin ang buhay na walang hangganan,
Kung Siya palagi ang iyong susundan,
Di ka maliligaw, di ka malilinlang.

Huwag mong kaligtaan na ibigin mo rin,
Ang iyong kapuwa ng buong pagiliw
Lalo’t ang mahirap at may suliranin,
Tulungan mo sila, para ng sa Akin.

Ang Aking salita ay iyong ibigin.
Sa kaluluwa mo’y gawin mong pagkain.
Di lang sa tinapay Kita bubuhayin
Kundi sa salitang nanggaling sa Akin.

Di na magtatagal Ako ay darating,
Upang ipunin Ko sa iisang piging.
Ang lahat ng taong sa Aki’y nanalig
Kasal ng Kordero sa Sinta niyang giliw.

Pagkatapos nito iyong makikita
Aking babaguhin ang langit at lupa.
Ang Banal na Lungsod Aking ibababa
Magmula sa langit patungo sa lupa.

Ang lahat ng luha Aking papahirin,
Pati kamatayan Aking papawiin
Dalamhati’t iyak, sakit lilipas din
Walang hanggang buhay tayong magkapiling.

Ngayong alam mo na layunin Ko saiyo,
Ang hiling Ko lamang ihayag mo ito.
Magandang Balita sa lahat ng tao,
Nang mabatid nila ang PAGMAMAHAL KO.


Note: To God be the glory. Ang tulang ito ay isinulat ko nang ako’y napilayan sa tadyang at napilitang magpahinga ng matagal. Sa aking pag-iisa, ako’y pinagkalooban ng inspirasyon ng Banal na Espiritu na isulat ito. Sana maging daan ito upang makamtan mo ang buhay na walang hanggan na ipinagkakaloob ng Diyos sa lahat ng maniniwala, mananalig, at tatanggap sa Panginoong Jesus bilang kanyang Tagapagligtas at Panginoon. December 27, 2003

No comments:

Post a Comment