Monday, February 2, 2009

LIHAM NG PAG-IBIG

LIHAM NG PAG-IBIG
Carlos M. Castro
July 30, 2008

Anak,

hindi mo man batid, lahat ng lihim mo
di lingid sa akin, pati gawain mo
batid ko rin naman ang iniisip mo
pati ang iyong buhok ay binibilang ko
pagka’t likha kita at kalarawan ko
ang buong buhay mo pati pagkatao,
ang iyong pagkilos, lahat ay alam ko!

alam mo kung bakit? dahil anak kita!
hinirang na kita sa pasimula pa
pinili na kita, nang ipaglihi ka
nang mahal mong ina, hinugis na kita
nasa loob ka pa ng ‘yong bahay-bata
ng isinilang ka’y iningatan kita
haba ng buhay mo sa kamay ko tuwina..

nagkakamali ka sa iyong pagkilala
sa aking ugali’t aking paghuhusga
magalitin ako, yan ang iyong akala
konting kamalian ay nagpaparusa.
hindi totoo ‘yan, ako’y iyong Ama
pag-ibig ko’y wagas, dahil anak kita
higit ka sa lahat ng aking nilikha.

mabuting kaloob ay galing sa akin,
pangangailangan mo’y iyo lang banggitin,
ang panalangin mo ay aking diringgin
pagka’t mahal kita, hiyas ka sa akin.
maganda kong balak ay parang buhangin
sa dami at ganda sana’y ‘yong mahalin
aking ibibigay lahat mong naisin.

di ako titigil sa pagabay saiyo
ika’y natatangi sa mga mata ko
mahiwagang bagay ay ihahayag ko
pag hinanap ako ng buong puso mo
makatitiyak ka, makikita ako
di kita iiwan, habang ako’y ako
pagkat mahal kita, iyan ay pangako.


higit pa sa lahat ng iyong hihilingin
at iyong iisipin ay kaya kong gawin
hahanguin kita sa gitna dilim
ang habag ko saiyo di ko nililihim
sa iyong pighati kita’y aaliwin
tulad ng ‘sang pastol kita’y pagyamanin
at sa aking bisig, ikaw ay dadalhin.

aking papahirin ang iyong mga luha
ang dalamhati mo’y aalisin ko pa
di ko matitiis na nakikita ka
na dumadanas ng pasakit at dusa
kaya sinugu ko, Anak ko sa lupa
upang madama mo pag-ibig ng Ama
sa pamamagitan ng kamatayan Niya.

nang dahil sa Kanyang imbing kamatayan
kinalimutan ko ang iyong kasalanan
ito’y katibayan na iyong makakamtan
wagas kung pag-ibig na walang hangganan.
ang nagligtas sa iyo’y Kanyang kamatayan
siya ang nagbayad sa iyong kasalanan
nang dahil sa Kanya, ika’y mabubuhay.

ang tangi kong hangad ika’y magbabalik
sa aking kandungan, sa aking tangkilik
maghahanda ako kung ika’y babalik
nang malaking piging pagka’t ako’y sabik
na makasama ka’t masidlan ng halik

ang tanong ko saiyo: Mahal mo ba ako?
gugustuhin mo ba na maging anak ko?
maghihintay ako sa maging sagot mo
laging nananabik na makapiling ko
walang hanggang buhay sa Kaharian ko.

Nagmamahal sa iyo,

MAKAPANGYARIHANG DIYOS

No comments:

Post a Comment