Monday, February 2, 2009

MAY NAGMAMAHAL SA IYO
Carlos M. Castro
January 28, 2008

Bakit ka malungkot nakakunot-noo,
bakit ka malumbay tila nanlulumo,
bakit ka balisa’t hindi mapanuto,
dahil ba sa walang nagmamahal saiyo?

Nasaan ang galak na lagi mong hanap,
ang kapayapaan na laging mailap,
magagandang bagay na di mahagilap,
ba’t di mo makamit ang iyong pangarap?

Bakit sa kabila nang iyong pagsisikap,
palagi kang bigo sa iyong paghahanap,
mga magmamahal ng tunay at ganap,
di mo matagpuan sa gitna ng hirap?

Di mo ba alam may nagmamahal saiyo,
laging naghihintay sa pagbabalik mo,
pag-ibig Niyang alay ay tinanggihan mo
pagka’t akala mo’y galit Siya saiyo.

Sa mula’t mula pa itinalaga ka na,
na maging anak Niya kaya ka nilikha,
sa pamamagitan ni Cristong dakila,
lahat nang sala mo’y pinatawad na Niya.

Sa pamamagitan ng dugo ni Cristo
tayo’y pinatawad at pinagkasundo,
sa ating Amang Diyos lumikha sa mundo,
na sa simula pa’y ito na ang gusto.

Alay Niyang pag-ibig ay walang hangganan,
walang pinipili maging sino ka man,
pag-ibig Niya’y ganap, hindi mapaparam,
handang ipagkaloob ang iyong kailangan.

Halika kapatid, tayo’y anak ng Diyos,
lumapit na tayo at magbalik loob,
siya’y ating Ama, pag-ibig ay lubos,
lalo na sa ligaw at naghihikaos.

No comments:

Post a Comment